27.11.11

Astig na Nars

Kailangan ko pa bang ulitin kung gaano kahirap ang maging isang nars?

Hindi ko sinasabi ang hirap ng di-mabilang na oras ng pagkabisa at pagbasa sa sandamakmak na mga libro sa eskuwelahan. Hindi rin ang hirap ng oras ng trabaho kung saan galing night shift, ay pang-umaga ka pagkatapos ng isang day off. Hindi rin ang hirap na kung saan ang lahat ng kakilala mo ay may "weekend" at may "T.G.I.F.", samantalang ikaw ay "regular" na may pasok ng holiday (i.e. Pasko). Hindi rin ang paglinis ng mga "di na kelangang banggitin" na mga kung anu-anung mga bagay na galing sa pasyente. O sige, isama ko na ang pagpipigil sa mga terror na mga doktor, mga striktang mga bossing, at mga makukulit na mga pasyente at mga relatives, pero hindi pa rin yun.

Iba ang hirap na sinasabi ko, na hindi mo basta-basta mababasa sa libro, o maaaral sa eskuwelahan. Ang "psychoemotional toughness". Isang araw, nagsimula ang araw ko kung saan ang pasyente ay pumanaw na, at ako ang gagawa ng "post-mortem care" sa namayapa na. Kahit di ko man kaano-ano ang sumakabilang-buhay, mahirap pigilan na kahit papano, may kurot sa damdamin na mararamdaman. Pagkatapos ay hinarap ko ang nagdadalamhating pamilya, at sa kabila ng lahat ay nagpasalamat para sa alagang ibinigay para kay "Tatay". Pinabaunan ko sila ng dasal para sa kanilang pamilya.

Makalipas ang ilang minuto, sa kabilang kwarto, ay sinalubong naman ako ng ngiti ni lola, dahil masaya siyang uuwi na kinabukasan. Magkasamang "excitement" at pasasalamat dahil makakatulog na raw siya sa kama niya at makakaligo na nang maayos sa shower niya. Nagkakwentuhan kami at sinabi ko sa kanyang wag siyang mapatakbo sa excitement at baka mabalian na naman siya ng balakang. Iniwan ko siyang nakangiti at nagbalik siya sa pagsagot ng crossword puzzle.

Paglipat ko sa malaking kwarto, tinulungan ko ang isang nanay na kumaen, dahil mayroon siyang "dementia" at wala siyang ganang kumain,. Kahit anung pilit at estilo at pagkumbinse ng kahit sino sa ward, ayaw talaga niyang kumaen. Naiisip kong parang wala akong kwentang nars at di ko nagagawa ang dapat kong gawin. Maski makailang kabit sa kanya ng IV fluids ng doktor at tatanggalin rin niya, minsan tatanungin ko ang sarili ko, "Ano bang ginagawa kong mali?" Biglang tatakbo sa utak ko ang mga boses ng mga magagaling kong mga professor at mga Clinical Instructor na nagtuturo kung anu ang dapat kong gawin, at gawan ko ng NCP o Nursing Care Plan ang mga yun, ASAP.

Makalipas ang ilang saglit, hinaharap ko na ang isang namumuong reklamo ng isang kamag-anak tungkol sa isang pasyente. Sinusubukan ko namang sagutin ang mga tanong at siguraduhing ang lahat ng maaaring aksyon ay magawa nang hanggang sila ay mapaliwanagan. Maski naririndi na ang tenga ko, at hirap na akong makipag-"Inglessan", e sige pa rin ako sa pakikipagdiskusyon maski bali-bali na ang grammar at accent ko.

Sasabayan pa yan ng order ng mga doktor ng kabi-kabilang STAT sa iba't-ibang pasyente.

Maya-maya, may nakikita akong pasyente na palabas ng pinto na naka-wheelchair at pauwi na sa bahay. Tuwang tuwa, at ang ngiti eh halos naningkit na ang kanyang "blue-eyes" at di matapos-tapos ang pamamaalam at pasasalamat. At sinabi na di niya malilimutan ang pag-aalaga at pagtulong sa kanya ng buong team. Walang presyo ang marinig mo ang mga ganong salita.

Luha. Takot. Tuwa. Inis. Galit. Pagdadalamhati. Kamatayan. Kalayaan. Pagod. Saya.

Lahat ng iyan, maaaring matikman mo sa loob lang ng isang araw. Lahat ng iyan, tumatakbo sa isipan mo, gumugulo sa pakiramdam mo. Kung naimbento lang ang paghati sa katawan ng isang nars para magawa ang kaliwa't-kanang trabaho ng sabay-sabay, tiyak nars ang unang oorder nun.

Walang katumbas na salapi ang makakatapat sa mga iyan. Kailangan ko pa bang ulitin kung gaano kahirap ang maging isang nars?

Ang sagot, hindi na. Dahil lagi kong iniisip na isang nars lang ang kayang makagawa at makalagpas at magtagumpay sa lahat nang yan. Dahil ang mga nars, sadyang pinagkalooban ng panahon at pagkakataon ng "psychoemotional toughness", di lang para sa trabaho, kundi para na rin sa pang-araw-araw na buhay.

Kaya kung ikaw ay nars o may kakilala kang nars, isa lang masasabi ko sa'yo: "Astig ka!"

1 comment

  1. mahirap talagang maging nars pero masarap din ang nars i mean maging.

    LOL

    ReplyDelete

© The GZT. | All rights reserved.
BLOG TEMPLATE HANDCRAFTED BY pipdig