31.3.12

Sabik na Pagbabalik: Unang lapag

Tulog at pagod sa byahe, ilang timezones ang nilaktawan, ilang pag-iinat at pamamaluktot sa masikip na upuan sa eroplano, walang laman ang utak ko kundi ang paglapag ng eroplano. At ang paghiga sa kama. Halos 20 oras na tinahak mula London, hanggang Abu Dhabi, at palapit na ng Manila, wala akong ibang inaasam kundi ang makatulog sa kama. Siguro pangalawa yung makapag CR ng maayos. Sumunod na run ang makita ang pamilya at mga kaibigan.

*PLAKPLAKKLAPKLAPPLAKYEHEYYAHOOPLAKPLAKPLAK!*

Ayan na, nagising na ako. Palakpakan na ang mga Pinoy sa eroplano. Lagpas-kalahati siguro ng 200+ pasahero e palakpakan, kasi maglalanding na sa NAIA. Natatawa ako na natutuwa na nalulungkot na nagugutom. Ako, halos 2 taon pa lang sa abroad, pero sila? 3? 5? 10 taong di nayayakap ang pamilya? Iilan kayang mga Pinoy ang may kakilalang OFW? Napatingin na lang ako sa seksi kong katabi, at napangiti na lang kami, muntik na akong pumalakpak, naalala ko gerlpren ko nga pala yun. Tumigil ako sa pakyut kong ngiti. Basta ako, bigla kong naisip ang Chickenjoy ng Jollibee.



"Bakit ang hirap kumuha ng taxi dito?"


Ang saraaaaaap ng unang uwi. Pramis, walang halong showbis. Pero una kong naramdam at nasabi pagtapak sa lagusan ng eroplano: ANG INEEEEEEEEEET! Nasa Pinas na nga ako, yehey. Gusto ko na ring idagdag sa listahan ng gagawin ko ang maligo pala.

Dun na kami naghiwalay sa airport ni gerlpren at dahil susunduin kami ng kanya-kanyang pamilya.

Pagkakita ko sa kotse ni bayaw, angkas si ate, 2 kong pamangkin at si mami, eh ayos na. Parang walang nangyari at parang di ako umalis. Ang sarap, ang init sa pakiramdam na babalik ka at uuwi ka ulit sa bahay mo tulad ng dati.

Tulad ng dati. 


Pagpihit ng kotse sa may Roxas Boulevard sa may Baclaran, alam na. Trapik. Sa totoo lang trapik, tatak Pinoy ka, pero di kita namiss. Polusyon, kasama ka na dun. Ganung-ganun pa rin ang Pinas. Tulad ng dati, walang pinagbago. Umaasa pa rin ako, pero hindi rin naglaho ang nasa isip ko na, walang magbabago, mahirap ang asenso. Sino ba ang may kasalanan, sino ang dapat sisihin. Sa totoo lang, parang kaibigan mo ang Pilipinas na nagupload ng photo sa Facebook. May mga shots na ok yung anggulo, may mga shots na alanganin, na parang minsan ang daming tagyawat. Meron namang album na puro parang naphotoshop na ang title ng album eh "itsmorefuninthephilippines" na talagang wala kang maipipintas. Pero pag nagstatus na eh, hala sablay at alanganin. Tipong sarap inunfriend ni Pinas sa Facebook, pero di mo mapipigilan na mapa-like ka rin.

At ang takbo ng utak ko at tanong sa lahat sa kotse eh: Saan ba tayo kakain?


Eto na, ang pambansang libangan ng mga Pinoy. Nope, hindi teks. Hindi rin seks! Ang mall. SM for short. Kung mayroon tayong ipagmamalaking mga Pinoy, ibubungad natin siguro ang mga mall natin. Walang binatbat ang mga ibang bansa pagdating sa mga mall natin. Mas sosyal, mas malaki, mas maraming namimili, bakit kaya ganun? Mapera nga ba ang mga Pinoy, o super galing mag budget? O sadyang mahilig lang lumabas-labas talaga? Basta ako, namaster ko ang Window Shopping.

Umikot muna sandali sa SM North Edsa, at naghanap na kami ng upuan sa Max's. (Kasi may promo ang group package, ohyeas!) Walang katumbas ang Pinoy food. Kare-kare, Pork sisig, Fried Chicken, Sinigang na baboy. Oo tumutulo laway ko habang iniiisip kong hinihigop ko ang mainit na sabaw. Oohlala.

Pagdating ng bahay, ang sarap. Walang pinagbago, tulad ng dati. Masaya akong kasama at makita ang lahat. Sulit ang pagod at hirap. Oo na senti at cheesy na. Pramis di ako naluha, medyo lang. Pero walang katumbas ang unang lapag.

Daig pa ang pananabik ko sa masarap na Chickenjoy.






1 comment

© The GZT. | All rights reserved.
BLOG TEMPLATE HANDCRAFTED BY pipdig