📌

📌

10.1.14

Mordor Manila: Chapter 1

Masungit ang panahon. Madilim at mausok. Punong puno ng itim na parang ibinubuga ng bulkan. Nagiinit na temperatura na parang nasa impyerno. Naikumpara sa 'Gates of Hell.' Heto na nga siguro ang pinakamalapit na address patungo sa gate na yun. Punong-puno ng mga makasalanan. Punong-puno ng kasamaan. 

 

Punong-puno ng mga illegal street vendor, talipandas na mga bus driver at mga walang-puso na mga buwayang pulis patola.

Eto ang Mordor Manila. Taon ay 2064. Mordor Manila pa rin ang sentro ng bansang Pilipinice (dating Pilipinas.) Pinalitan diumano ang ngalan bansa mula sa Pilipinas upang mas maging kaakit-akit sa mga banyagang turista, kaya dinagdagan ng 'something nice', kaya ginawang PILIPINICE. Ito ang nanalo sa text votes sa halagang 1,000,000 Pesos per vote. Pumangalawa sa botohan ang PHILIFUNS. Hindi raw babagay ang 'It's more fun in the Philifuns.' Kaya binago na sa: ' Yes, it's Pilipiniiiiiiiiice!'


Naging Mordor ang kadikit ng Manila matapos ang EDSA 17. Hindi na dapat pagdebatehan kung bakit Mordor ang pinangalan ng UN sa kapitolyo ng Manila. 

Pauwi na ang mga tao galing sa kanilang mga trabaho. Kung noon unang panahon ay Makati ang sentro ng business, iba na ngayon. Laguna na, na kung saan pinakapopular na istasyon ng MRT ay ang dating bahay ni Jose Rizal sa Calamba, na ibinenta ng pamahalaan sa mga Koreano bilang 'token of appreciation.' Ano ang meron sa Makati ngayon? Kasalukuyang problema ang pagdami ng mga iskwater na namamahay sa mga mataas na mga abandonadong building dito. Habang nagnanakaw silang lahat ng pinakamamahaling utility sa bansa: Wi-Fi Signal.

Maraming pagbabago ang nakabuti kahit papano. Ang araw ng pasok sa trabaho ay 3 na lang. Dahil lahat na ng kumbinasyon ng number coding ng MMDA or Mordor Manila Detoxification Authority, ay nagamit na. At dahil na rin sa halos inaabot ng kahalating araw ang pagbyahe dahil sa trapik at sa putik-putik na kalsada sa kahabaan ng EDSA.

Nakalipas na rin ang panahon ng eleksyon ng mga tao sa gobyerno. Idineklara ng dating Comelec na 'bilihan ng boto' lang rin naman ang labanan, kaya ipinamahala na nila ito sa DTI at BIR. Binenta ang mga balota para maboto ang kung sino mang bumoto ng kung sino mang gusto nila. May porsyento ng kita syempre kung sino man ang ibinoto. 

Ang mga huling nahalal noon 2016, ay sila na ang nagsimula ng monarkiya ng Pilipinice. Imbes na botohan, ipapamana na lamang nila ang mga pwesto sa mga kamag-anak nila para di na sila magpalitan ng mga pwesto sa pamilya, at para na rin di na sila gumastos ng komersyal sa t.v.

Makapangyarihan si King-President. Kaya niyang magpautos ng snap Big Brother eviction night. Kaya niyang mamigay ng jacket ala-Willie. Kaya niyang dumaan sa lahat ng private subdivision. Kaya niyang maka-score ng 100 lagi sa videoke. Walang traffic signal para sa kanya. Swabe siya sa palasyo nya ngayon, ang MOA, kung saan ginawang Malakanyang Of Asia ang ngalan. 

Ganyan siya kalakas, hawak niya ang lahat. Kontrolado niya ang Pilipinice

***

Samantala sa mga natitirang kabundukan ng Sagada, mayroong kakaibang pamumuo ng usok. Malamig sa pakiramdam ang hamog. Pero panandaliang uminit sa pakiramdam ang dating malamig na Sagada na parang may nasusunog.


***

Abangan ang susunod na kabanata.


No comments

Post a Comment

© The GZT. | All rights reserved.
BLOG TEMPLATE HANDCRAFTED BY pipdig